Tuesday, July 27, 2010

Kayumangging Sobre

Isa, dalawa, masaya pa. Tatlo, apat, dito ba nararapat? Lima, bitaw na. Ito ang napala ko sa paghahangos na kumita ng pera. Ako nga’y bubot pa sa pagharap sa buhay, akala ko eksperto na.

Ilan kaya sa mga taong may bitbit na brown envelope ang alam kung saan sila pupunta? Lingid kaya sa kanilang malay na ang bolpen na dala ay kadugtong ng kanilang ugat na ang tinta ay ipapatak sa isang kasunduan para sa isang paninilbihan? Saan kaya sa mga pintuang ‘yan ang nagsasabi ng katotohanan? Sa paggulong ng dyip at pagyabag ng paa, maraming napupudpod na goma. Dalangin ng bawat may dala, sana heto na. Kung maari lang sana maniguro, pipiliin mo kung ano ang gusto. Ngunit kaya nga may brown envelope dahil ordinaryo. Bago at presko, sana sa mata ng tagasuri masubukan nila ako. Masakit kasing isipin kung basta sasambitin, “Sige tatawagan ka nalang namin”. Para ka tuloy isang buhangin, na madaling hinipan ng hangin. Teka bakit ba naging makata, hindi naman sadya.

Naalala ko tuloy ang isang linya sa desiderata, na talagang ang mundo ng business ay mapangutya. Ang isang fresh graduate ay magiging isang isda na madali nilang bibingwitin kahit ano ang ipain. Siguro nga ako’y nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan, mahirap talagang tanggapin ang katotohanan. Ang tao ay mananatiling alipin ng pera, pangalawa ng kanyang mga pangarap.

Wednesday, February 17, 2010

Nokturnal

"Tulog alas otso ng umaga, gising alas tres ng hapon. Kain. Konting peysbuk at soundtrip. Konting munimuni pa. 'Yan alas sais na. Kain. Ligo. Sakay sa bus. Nokturnal. Buhay sa gabi."

Lumubog na ang araw. Ang liwanag ay nagpaalam na sa gawing dito ng mundo. Buksan ang mga silindrang de-enerhiya. Habang ang iba ay tapos na sa trabaho, sila ay mag-uumpisa pa lang. Dilim ang kanilang araw, at dilim ang kanilang kita. Mas maswerte yata sila na hindi nadadampian ng araw ang kanilang mga balat, na nirereklamo naman ng karamihan sa isang tropikal na lugar. Dama ang hangin. Tahimik ang paligid. Animo'y walang nakakita at nakakapansin sa mga kilos nila. Karamihan sa kanila ay kumikilos sa ilalim ng iisang bubong; ang iba ay nagtatrabaho sa harap ng telepono, ang ilan ay nangaaliw ng tao, nagpapakasasa, samantalang meron naman ding naglalaro sa ilalim ng buwan. Nakakalungkot makita ang mga inosenteng nilalang na inalipin ng mga bulaklak. Imbes na nahihimbing sila, heto nakaabang sa kalansing na magmumula sa awa ng may mga malilinis at maduduming budhi. Sana lumiwanag na nang sa gayon ay matigil na ang kanilang kahibangan.

Nung ako'y bata pa, takot ako sa dilim. Ngunit ang panahon ay sadyang nagbabago. Pinakilala niya sa akin ang liwanag at ang dilim. Dapat pa ngang matuwa sa pagbabagong 'to dahil isa itong pagpapatunay na buhay ka, na ang mundo mo'y patuloy sa pag-ikot. Hindi man natin alam kung saan minsan tayo'y patungo, ang ideyang kabilang ka sa mga nilalang na tumitibok ang puso ay higit pa sa alinman. Hindi ka mawawalan na parang umaga at gabi. Gawin mo ang dapat, sabayan mo ang buhay. Makulay ang paligid. Masdan mo lang.