Kumusta? Hi? Hello? Uy? Hanggang sa mga unang hakbang kung saan hindi na kinakailangan pang magsalita. Isaksak sa plug, buksan ang AVR, at pindutin ang buton ng CPU, kusa namang kokonekta ang internet, at heto nakikisalamuha ka na sa ibang mundo.
Naligaw yata ako sa pahinang ito. Magiging isang manunulat o blogger pa nga? Bakit hindi? gayong may sarili na akong pc, at may internet pa. Bukod pa sa katotohanang isa akong tambay na naghihintay ng swerte, naghahabol sa swerte, at umaasa. Nasaktan. Oo. Dahil sa mga nakakaalam, isa akong biktima ng pagkabigo. Pagkabigo na makuha ang tropeo kung ituring ng mga gradweyts sa limang taong pagsabak sa kurso ng engineering. Salamat nalang sa mga taong nagpapalakas loob at sa mga librong likha ng mga awtor na inspirado at naging inspirasyon.
Malamig na ang hangin. Disyembre na. Ngunit ang utak ng bawat isa, partikular ang mga bagong salta, ay nangangamba, ang ilan ay hindi. Ang ilan ay kukuha ng "tropeo" samantalang ang iba ay susubukin ang kakayanan, katanyagan at karangyaan. Susubukin makisalamuha sa mundong ginagalawan. Magsisimula ang lahat, pwedeng ngayon, sa makalawa o higit pa, maaaring nandyan na. Basta ba humakbang ka, kahit nagiisa ka, hindi matatapakan ng kahit sino ang lupang tinapakan mo. Teritoryo mo yan. Tiwala at pag-asa ang kakampi mo. Sila ang tunay na kaibigan.